SEN. KIKO PANGILINAN, KASAMA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA SA PAGPAPATIBAY NG PAMIMILI NG PALAY SA ILALIM NG SAGIP SAKA ACT
Bumisita si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Lalawigan ng Nueva Ecija upang personal na suportahan ang pagpapatuloy ng direktang pamimili ng palay ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga lokal na magsasaka, alinsunod sa itinatakda ng SAGIP Saka Act o Republic Act No. 11321.
Sa kanyang pakikipagpulong kina Vice Governor Raymond “Lemon” Umali, Provincial Administrator Jose Maria Ceasar San Pedro, at iba pang department heads ng lalawigan, ay ipinahayag nito ang kanyang suporta sa pagbili ng palay ng kapitolyo na isang kongkretong halimbawa ng institutional market linkage na isinusulong ng batas.
Bagama’t may mga karagdagang dokumentaryong rekisito sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SAGIP Saka Act, tulad ng purchase order at award notice, tiniyak ng mga opisyal ng lalawigan na ang lahat ng ito ay inaasikaso ng Provincial Food Council (PFC) at hindi babalikatin ng mga magsasaka.
Sa gayon, mananatiling mabilis, magaan, at direkta ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, tulad ng nakagawian.
Matatandaan na noon pang 2019 ay naipatupad na ng Kapitolyo ang direktang pamimili ng palay, kasabay sa pagkakapasa ng batas.
Sa pamamagitan ng inisyatibo ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, naitatag ang Palay Price Support Program ng lalawigan upang sagipin ang mga magsasaka sa gitna ng pagbagsak ng presyo ng palay sa merkado.
Ngayon, sa ilalim ng mas pinalawig na alituntunin ng SAGIP Saka Act, mas tumibay pa ang legal na batayan ng programa, mula sa aktibong pagbili hanggang sa pagbabayad, nananatili itong nakasentro sa kaginhawaan ng mga magsasaka at hindi nila kailangang dumaan sa masalimuot na proseso.
Siniguro din ng pamahalaang panlalawigan na ang pagsunod sa mga probisyon ng IRR ay higit pang magpapalakas sa adhikain ng batas, ang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng suporta ng pamahalaan.

