SEN. PADILLA, MAGHAHAIN MULI NG RESOLUSYON PARA MAPAUWI SI DUTERTE MULA SA THE HAGUE; DATING PANGULO, HUMIHILING NG KALAYAAN SA ICC

Balak ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na muling ihain sa pagbubukas ng 20th Congress sa June 30 ang kanyang resolusyon na humihiling sa gobyerno na tiyakin ang agarang pagpapauwi kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula sa The Hague, Netherlands.

Naghain na si Padilla ng parehong resolusyon nitong Lunes, ngunit hindi ito tinanggap ng Senado dahil sa pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress.

Base sa resolusyon, layunin nitong ipahayag ang sense of the Senate para sa pagkakaisa ng bayan at para maipaglaban ang soberanya ng Pilipinas.

Iginiit ni Padilla na dapat ang Pilipinas mismo ang mag-imbestiga at kung kinakailangan ay mag-usig sa sinumang mamamayan nito alinsunod sa batas at Konstitusyon. Dagdag niya, mas dapat unahin ng gobyerno ang mga pangunahing suliranin ng bansa tulad ng pag-ahon mula sa kahirapan, pagpapaunlad ng imprastraktura, pagbangon ng ekonomiya, at pagtugon sa climate change.

Nakapaloob pa sa resolusyon na kung hindi posible ang buong pagpapauwi, dapat kumilos ang gobyerno upang makuha ang pansamantalang pagpapalaya ni Duterte sa ilalim ng mga kundisyong tatanggapin ng International Criminal Court o ICC.

Samantala, naghain si dating Pangulong Duterte ng kahilingan sa ICC noong June 13, 2025 na siya ay pansamantalang palayain habang hindi pa nagsisimula ang paglilitis sa kanya kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Ipinahayag ng kampo ni Duterte na ang dating pangulo ay 80 taong gulang na, wala nang kapangyarihan sa gobyerno, at imposible nang tumakas o gumawa pa ng krimen.
Noong June 23, opisyal nahumiling ang prosekusyon ng ICC sa korte na tanggihan ang hiling ni Duterte sa pansamantalang kalayaan, dahil hindi umano sapat ang dahilan para mapayagan ito.

Nakatakda ang confirmation of charges hearing ni Duterte sa ICC sa September 23, 2025.