SENADOR, PINAUUWI SI ZALDY CO PARA ILABAS ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA MGA ISYU NG FLOOD CONTROL PROJECTS
Hinimok ni Senador Bam Aquino si dating Congressman Zaldy Co na umuwi sa Pilipinas at pormal na panumpaan ang kanyang mga alegasyon sa flood control projects at budget insertions.
Ito’y matapos maglabas si Co ng mga video kung saan pinangalanan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa P100-billion insertions sa 2025 budget.
Ayon kay Aquino, mahalagang humarap si Co sa Department of Justice, Independent Commission for Infrastructure, at Senate Blue Ribbon Committee upang maisiwalat ang buong katotohanan.
Giit ng senador, dapat managot ang lahat ng sangkot sa maanomalyang proyekto, mabawi ang nawawalang pondo, at ayusin ang sistema upang hindi na maulit ang katiwalian.
Isinusulong rin ni Aquino ang Senate Bill No. 1506, o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na layong gawing mas transparent ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa ilalim nito, obligado ang mga ahensya na i-upload ang mga kontrata, gastos, at iba pang dokumentong may kinalaman sa budget sa isang Digital Budget Platform.
May kaparusahan ang hindi pag-upload ng documents o ang paglalagay ng false information, mula sa administrative penalties hanggang criminal charges.
Ayon kay Aquino, ang CADENA Act ay magbibigay ng mas malinaw at transparent na paraan para makita ng publiko kung saan napupunta ang pera ng taumbayan.

