Simula ngayong buwan ng Marso ay tataas na sa P500 ang buwanang diskwento na makukuha ng mga senior citizen at Persons with Disabilities sa pagbili ng grocery items at iba pang pangunahing pangangailangan.

Suportado ng Department of Trade and Industry o DTI sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez ang suhestiyon ni Speaker Martin Romualdez sa monthly grocery discount ng mga PWDs at seniors.

Una na rito ay hiniling ng speaker ang pagtataas sa 5 porsyentong diskwento na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.

Bagamat nasa proseso pa ng konsultasyon, sinabi ni Sanchez na inaasahan na maipatutupad ang pagtataas sa buwanang discount limit ngayong buwan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang liderato ng Kamara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang matupad ang pagnaanais nito na magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa lipunan.

Nilinaw naman ng DTI na ang kasama lamang sa mga bibigyan ng discount ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities tulad ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.

Kasali rin ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.

Bukod dito ay bibigyan rin ang mga lolo, lola at PWDs ng diskwento sa mga pangunahing construction supplies gaya ng semento, hollow blocks, electrical supplies at bombilya.habang hindi naman kasali sa listahan ng mga diskwento ang cakes and pastries ayon sa DTI.