SERVICE NG BARANGAY ARIENDO SA BONGABON, ISA SIRA; ISA PA AY DUMP TRUCK
Problema ngayon ng bagong halal na si Kapitan Gonsalo Sambrano ang service vehicle ng Barangay Ariendo sa bayan ng Bongabon.
Ang dalawang service kasi na itinurn-over sa kaniyang pag-upo ay sira na ang isa, habang ang isa naman na dapat sana umano ay ambulansya ay dump truck.
Ayon kay Kapitan Sambrano, hindi dumalo sa ginanap na paglilipat ang natalo nitong dating Kapitan na ilang beses aniyang ipinapatawag para makausap ng DILG upang ipaliwanag kung bakit hindi pa rin naisasaayos ang mga dokumento at nakapangalan pa rin sa pinagbilhan ng sasakyan ang dump truck ng barangay.
Dati nang naging punong barangay si Gonsalo sa Ariendo, kung saan kabilang umano sa kanyang iniwanan ay ilang mga kagamitan sa barangay hall, isang barangay service, at health center na ipinatayo sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Dismayado siya dahil hindi aniya napanatili ng pinalitang opisyal ng barangay ang maayos na kalagayan ng mga ito.
Kaya naman nananawagan ito ng suporta mula kay Governor Aurelio Umali, at Mayor Ricardo Padilla na mabigyan sila ng service dahil ito ang lubos na kinakailangan ng kanilang barangay lalo na kapag may emergency.

