SHARING, SOLUSYON NG MGA MAGULANG SA KAKULANGAN SA LIBRO SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN
Sa pagbubukas ng klase kahapon, August 29 sa mga pampublikong paaralan, isa sa mga problema na kinakaharap ng mga magulang ang kakulangan ng libro na magagamit sana ng mga bata sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay Liz Carlos, isang nanay ng Grade 1 student mula sa Santa Rosa Integrated School, dahil kapos sa aklat, sharing o maghahati na lamang ang mga estudyante sa paggamit ng libro kung sakaling kailanganin ng guro para sa kanilang lesson.
Hiling ni Carlos sa Department of Education na sana ay magkaroon lahat ng mag-aaral sa public schools ng libro lalo na ang mga elementary level na nasa learning stage pa lamang.
Dahil sa K-12 program ng Department of Education, ang mga magulang ay handang turuan din ang kanilang mga anak sa bahay upang hindi mahuli sa klase.
Samantala, kapansin-pansin din ang pagbabago sa loob ng mga classroom sa nasabing eskwelahan dahil ipinag-utos ng DepEd ang pagtatanggal sa mga dekorasyon, artwork, at posters sa dingding ng mga silid-aralan bago ang pagbubukas ng klase. Ang nasabing kautusan ay nakapaloob sa DepEd Order No. 21, Series of 2023.
Sa aming panayam kay Joji Bancoro Grade 3 adviser, malaking panghihinayang para sa kanilang mga guro ang tanggalin ang mga dekorasyon na matagal na nilang ipinundar sa kanilang classroom.
Sang-ayon naman ang ilang magulang sa naging utos ng DepEd upang malinis at umaliwalas ang paligid ng buong paaralan.
Paglilinaw naman ni DepEd spokesperson Michael Poa, maaari pa ring gumamit ang mga guro ng mga visual aids sa pagtuturo at madala ang mga ito sa kanilang aralin.

