SINGIL SA PADALA NG MGA OFW, ISINUSULONG SA SENADO NA IBABA

Hiniling ni Senador Joel Villanueva na bawasan ng kalahati ang singil sa remittance fees ng mga overseas Filipino workers (OFW), kasabay ng panawagan para sa mas malinaw at tapat na sistema sa paniningil upang mas mapangalagaan ang pinaghirapang pera ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Sa unang pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, tinalakay ang mga panukalang batas na layong palakasin ang sistema pinansyal ng bansa, itaguyod ang transparency, at protektahan ang interes ng bawat Pilipino.

Kabilang din ang mga panukalang may kinalaman sa Deposit Disclosure at mga amyenda sa Secrecy of Bank Deposits Law, upang palawakin ang saklaw ng paglalantad ng bank deposits; Regulation of Debt Collection Practices para labanan ang mga mapang-abusong online lending apps; at mga panukalang naglalayong protektahan ang remittance ng mga OFW — kabilang dito ang inihain ni Villanueva na “Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act” (Senate Bill No. 181).

Ang mataas umanong singil sa remittance ay direktang nakakabawas sa halagang natatanggap ng mga pamilyang Pilipino sa bansa.

Layunin ng panukalang batas na bumuo ng malinaw na framework para sa regulasyon ng remittance fees, tiyakin ang transparency sa istruktura ng mga singil, at pigilan ang anumang pagtaas nang walang konsultasyon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Migrant Workers (DMW), at Department of Finance (DOF).

Nakasaad din dito ang pagpapalawak ng paggamit ng digital remittance platforms upang mapabilis ang transaksiyon at mapababa ang gastos ng mga nagpapadala ng pera mula sa ibang bansa.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang gastos sa pagpapadala ng pera, na tinatayang umaabot sa 6.49% ng kabuuang halagang ipinapadala — higit sa pandaigdigang average.

Sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na sinusuportahan ng ahensya ang panukala ni Villanueva, lalo na ang pagbubukas ng digital platforms na makatutulong sa mas episyente at transparent na remittance system.