SINING, ITINATAGUYOD AT ITINATANIM SA PUSO NG MGA KABATAANG NOVO ECIJANO PARA SA SUSUNOD NA HENERASYON

Naglunsad ng painting competition and exhibition ang Provincial Tourism Office sa pagdiriwang ng National Art’s Month 2025 na may temang “Ani ng Sining, Diwa at Damdamin” na ginanap sa SM City Cabanatuan.

Paliwanag ni acting Provincial Tourism Officer Jan Mara Stefan San Pedro, itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan ang sining ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng pagpapamalas ng galing at husay ng bawat Novo Ecijano na naipapakita sa mga ganitong klase ng aktibidad na simbulo ng pagtanggap sa sining at ang paglalagay ng importansya nito sa ating mga puso.

Dahil hindi lamang aniya para may maipakita kundi para itanim sa puso ng ating mga kabataan upang ipagpatuloy sa mga darating pang henerasyon.

Umabot sa apatnapo ang lumahok sa kompetisyon. Tumagal ito ng apat na oras at sa huli, ay tinanghal na champion si Gromyko Semper na nakakuha ng average score na 93.67 percent; Maan Charisse De Loyola, 2nd placer, may average na 90.33 percent; John Melvin B. Garcia, 3rd placer, nakakuha ng average na 85.67 percent; at, Leo F. Cawagdan, 4th placer na may average score na 83 percent.

Payo ni Amang Pintor na isang Novo Ecijano International Artist sa mga nangangarap maging isang magaling at mahusay na pintor, na tuloy-tuloy dapat ang kanilang pag-eensayo upang mahasa ang kanilang talento at kakayahan at ibahagi rin ito sa kapwa.