SIRA-SIRANG KALSADA SANHI NG HIRAP SA PAGBYAHE NG MGA GULAY, KAAGAD INAKSIYUNAN NG KAPITOLYO
Pahirap para sa mga taga Brgy. Estrella sa Bayan ng Rizal ang mga sira –sira at bako-bakong daan na halos 10 taon na nilang pinagtitiisan para sa pagdadala ng kanilang mga panindang gulay.
Malaking pasakit din umano ito sa mga senior citizen at mga PWD dahil sa kaldag sa tricycle na isa sa kanilang pangunahing transportasyon.
Dahil dito ay pinagsikapan ng dating Kapitan na si Fernando Marcos kasama ang kanyang sanggunian na humiling kay Governor Aurelio Umali na maayos ito na kaagad namang natugunan.
Ayon kay Provincial Engineer Marlon Hernandez ang upgrade sa aspalto ng 1.1 kilometrong barangay roads na may 6.6 meter ang luwang ay sinimulan noong nakaraang July at natapos nitong September 2023.
Mabilis ang naging aksiyon dahil may sariling mga heavy equipment ang kapitolyo at planta ng aspalto.
Kaya labis ang katuwaan at pasasalamat ng mga kabarangay ni Kapitan Marcos dahil sa mabilis na aksiyon ng Pamahalaang Panlalawigan.

