Tinututulan ng mga residente ng Barangay Sta. Rita, Olongapo City ang planong pagputol ng mga puno para sa 100-hectare solar power project na makakapag-generate ng 221 megawatts ng Aboitiz Power Corporation dahil sa banta ng pagbaha at landslide sa Mt. Balimpuyo.
Pumirma ang 919 na residente sa petisyon na nagsasabing hindi sila laban sa renewable energy, ngunit tutol sila sa expansion o Phase 2 ng proyekto na tatama umano sa bundok malapit sa kanilang mga tirahan.
Pangamba ng mga petitioners na mas lalala ang panganib gaya ng pagbaha, landslide, at soil erosion sa lugar na geohazard-prone.
Sa Facebook post ni Olongapo City Vice Mayor Kaye Ann Legaspi, sinabi niyang hindi rin siya tutol sa renewable energy, ngunit hindi rin siya payag sa expansion dahil sa isyung pangkaligtasan at kakulangan ng malinaw na dokumento tungkol sa Phase 2.
Sagot naman ng Aboitiz sa kanilang statement, na wala pang napuputol na puno dahil nasa initial phase pa ang proyekto, at tiniyak nilang ligtas ang Phase 2 ng naturang solar project.

