SOLAR PROJECT SA NUEVA ECIJA, MAKAPAGBIBIGAY UMANO NG MAS MURA, MATATAG NA SUPLAY NG KURYENTE SA HIGIT 2 MILYONG KABAHAYAN
Inaasahang makapagbibigay ng mas mura at matatag na suplay ng kuryente sa mahigit 2 milyong kabahayan at magbibigay ng sampong libong trabaho sa mga mamamayan ang itatayong Meralco Terra Solar Project sa Peñaranda, Nueva Ecija.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ground breaking para sa naturang proyekto na naglalayong maging pinakamalaking solar plant and battery storage facility sa buong mundo.
Sasaklaw ang solar project sa 3,500 ekatarya sa limang bayan sa pagitan ng mga lalawigan ng Nueva Ecija at Bulacan.
Ayon kay Pangulong Marcos, kapag ganap ng operational sa 2027 ang pasilidad ay maghahatid ito ng 3,500 megawatts peak ng solar power sa Luzon grid, kasama ang 4,500 megawatt-hour na battery energy storage.
Inaasahan ding makababawas ng higit apat na toneladang carbon emission sa bansa taun-taon sa paggamit ng solar project, na bahagi sa layunin ng bansa na lumipat sa paggamit ng sustainable energy.
Sa mga susunod na dekada ay inaasahan din ani ng pangulo na makapagbibigay ang proyekto ng nasa Php23 bilyong benepisyong pinansyal na daan para sa higit pang pag-unlad ng bansa.
Maliban pa dito, saad ng pangulo malaking tulong ang proyekto para mailagay ang Pilipinas sa posisyon bilang lider ng renewable energy.

