SPECIAL LANE, MAGPAPADALI SA MGA TRANSAKSIYON NG AGRARIAN REFORM BENEFICIARIES
Mas pinabilis na ang proseso ng mga transaksyon sa lupa para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa lalawigan ng Nueva Ecija, sa tulong ng bagong Special Lane na itatayo sa mga Assessor’s Office sa buong lalawigan.
Sa ginanap na aktibidad sa Nueva Ecija Convention Center sa Palayan City noong July 4, pormal na nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa pagtatatag ng ARBs Special Lane on Land Transactions na magpapadali at magpapabilis sa pagproseso ng mga dokumento sa lupa.
Sa parehong aktibidad, higit 2,000 ARBs mula sa iba’t-ibang probinsya ng Central Luzon ang nakatanggap ng halos 2,600 land titles at Certificates of Condonation sa ilalim ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.
Ginawaran ang 102 na ARBs ng Emancipation Patents at Certificates of Land Ownership Award (CLOAs), habang 186 naman ang nabigyan ng E-titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o Project SPLIT.
Samantala, 558 na benepisyaryo ang tumanggap ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage.
Bukod dito, namahagi rin ang DAR ng ceremonial checks para sa piling Agrarian Reform Beneficiaries Organizations sa ilalim ng Agrarian Livelihood and Enterprise Development (ALERT) Credit Program.
Pinarangalan din ng DAR ang ilang natatanging magsasaka at mga organisasyon ng agrarian reform beneficiaries, at kinilala ang kanilang sipag, tiyaga, at tagumpay sa pagpapaunlad ng buhay ng mga kapwa nila magsasaka at pagpapatibay ng sektor ng agrikultura.

