SPED-G STUDENTS, WAGI SA REGIONAL SCHOOLS PRESS CONFERENCE 2025

Binigyang-pugay ng buong pamunuan ng DepEd Schools Division Office ng Olongapo sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda P. Macaspac, ang mga mag-aaral at guro ng Special Education Center for the Gifted o SPED-G Kalayaan matapos nitong makapag-uwi ng iba’t-ibang parangal mula sa katatapos lamang na Regional Schools Press Conference sa Balanga, Bataan noong Linggo.

Unang kinilala ng DepEd Olongapo si Francis Deinmel R. Legaspi, Grade 6 student nang tanghalin bilang isa sa 10 Most Outstanding Campus Journalist of Region Iii.

Bukod dito ay nakapag-uwi din si Legaspi ng prestihiyosong 3rd Best Anchor award sa Radio Scripwriting and Broadcasting Filipino.

Sa kaugnay na balita, kinilala din ng mga opisyal ng SDO Olongapo ang buong Filipino Broadcasting Team ng paaralan na binubuo nina Francis, Anne Margarette Inton, Erika Liamne Perez, Precious Louise Mazon, Melissa Ana Marie Patacsil, Martin Lucas Mallari, Kirk Lucas Pangan, at ng kanilang coach, adviser na si Gng. Sally Araña Asiatico matapos nitong masungkit ang 4th Best Infomercial Award mula sa naturang kompetisyon.

Kasamang binigyang-pugay ng SDO Olongapo ang SPED-G Kalayaan school paper adviser na si Gng. Ina Lim Habacon na tinanghal na isa sa Most Outstanding Campus Adviser of Region 3.

Ang SPED-G Kalayaan ay kasalukuyang pinamumunuan ni Gng. Mylin Gamboa-San Jose at assistant principal Ronald dela Cruz.

Samantala, pinasalamatan naman ng mga nanalong mag-aaral at guro si Public Schools Division Supervisor, Gng. Filomena D. Pascual sa walang-sawang suporta nito sa kanilang campus journalism program at competitions.