SSS, HINIMOK ANG MGA MIYEMBRO NA MAG-INVEST PARA SA MAS MALAKING IPON KAPAG NAGRETIRO; 7.2 PERCENT, TAUNANG KITA SA PENSION BOOSTER PROGRAM
May pagkakataon nang mapataas ng mga miyembro ng Social Security System ang kanilang retirement at savings sa pamamagitan ng MySSS Pension Booster program na nagkakaloob ng halos 7.2 percent na kita kada taon.
Sinabi ni SSS president and CEO Rolando Macasaet na pinalitan ng SSS ang Worker’s Investment and Savings Program at WISP Plus at ginawang MySSS Pension Booster upang ipakita ang pangunahing layunin ng savings program kung saan pataasin ang pondo ng mga nagreretirong miyembro.
Binigyang-diin ni Macasaet na ang nasabing savings schemes ay bahagi ng mga repormang hatid ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, na itinaguyod ni Finance Secretary Ralph Recto noong nanungkulan ito bilang senador.
Bukod sa pagiging Finance Secretary, si Recto ay nagsisilbi rin bilang chairperson ng Social Security Commission, ang pinakamataas na governing body ng SSS.
Gayunman, hinikayat ng SSS ang mga miyembro na panatilihin ang pagi-ipon ng pondo sa loob ng limang taon para ma-maximize ang tinatantiyang 7.2 porsiyento na annual interest rate.
Inihayag ni SSS Vice President for Benefits Administration Division Joy A. Villacorta na ang MySSS Pension Booster ay binubuo ng mandatory at voluntary schemes. Tiniyak ni Villacorta na ligtas ang anumang halaga ng kanilang kontribusyon gayundin ang kita sa MySSS Pension Booster.
Aniya, sa voluntary scheme, ang mga interesadong miyembro ng SSS ay kailangang mag-enroll sa savings plan sa pamamagitan ng kanilang MySSS account.
Ang bagong voluntary program ay nag-aalok sa mga miyembro ng minimum na P500 para palakasin ang kanilang pondo o ipon paglipas ng panahon.
Pinapayagan naman ng flexible terms ang mga miyembro na mag-withdraw ng partial o full ng kanilang savings mula sa Pension Booster ‘in case of emergency.’ Ang kapabayaan sa pagbabayad ay hindi makaaapekto sa kontribusyon ng mga miyembro.
Paglilinaw din nito na kinakailangang manatili sa programa ang mga miyebro nang hindi bababa sa limang taon upang mapakinabangan ang potensiyal na kita.

