SSS PENSION REFORM, IPATUTUPAD NA SA SETYEMBRE 2025; 3.8M PENSIONERS MAKIKINABANG
Ipatutupad ng Social Security System O SSS ang bagong pension reform program simula Setyembre 2025, na magbibigay ng mas mataas na buwanang benepisyo sa mga pensyonado sa loob ng tatlong taon.
Batay sa programa, may 10 percent dagdag sa pensyon kada taon ang retirement at disability pensioners, habang 5 percent naman para sa survivor pensioners, base sa status tuwing Agosto 31.
Sa pagtatapos ng tatlong taon, aabot sa 33% ang kabuuang dagdag para sa retirement at disability pensioners, at 16% para sa survivor pensioners.
Tinataya naming nasa 3.8 milyong pensyonado ang makikinabang sa reporma, kabilang ang 2.6 milyon mula sa retirement at disability at 1.2 milyon sa survivor pensioners.
Ayon sa SSS, inaasahang makapagdudulot ito ng P92.8 bilyong kontribusyon sa ekonomiya mula 2025 hanggang 2027, nang walang kailangang dagdag-kontribusyon mula sa mga miyembro.
Sinabi ni SSS President Robert Joseph De Claro na bagama’t mababawasan ng apat na taon ang buhay ng pondo, nananatiling matatag ang pondo at target nila itong palawigin hanggang 2053 sa pamamagitan ng mas malawak na coverage at mas maayos na koleksyon.
Binigyang-diin din ni Finance Secretary Ralph Recto na malaking tulong ang reporma para sa mga matatanda at may kapansanan, dahil mas lalaki ang kanilang kakayahang gumastos.
Samantala, kinumpirma ni SSS Cabanatuan Branch Manager Beth Gabon na makikinabang din ang HALOS 29 THOUSAND Novo Ecijanong pensyonado sa reporma. Sakop nito ang mga may pending applications, basta’t ang retirement, disability, o pagkamatay ng spouse ay bago o hanggang Agosto 31, 2025.
Dagdag pa niya, kabilang din sa tatanggap ng dagdag ang mga may dependents, ayon sa klasipikasyon ng kanilang pensyon. Hinimok niya ang mga death pensioners na mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) upang hindi maantala o masuspinde ang benepisyo.
Binigyang-diin ni Gabon na ang matagumpay na pagpapatupad ng programa sa lalawigan ay nakasalalay sa aktibong pakikilahok ng mga miyembro, employers, at SSS contributors sa Nueva Ecija.

