STO. DOMINGO NATIONAL TRADE SCHOOL, NANGUNA SA PAGPAPALAKAS NG SENIOR HIGH SCHOOL PROGRAM SA NUEVA ECIJA

Nanguna ang Sto. Domingo National Trade School o SDNTS bilang isa sa mga paaralan sa Nueva Ecija na mag-iimplementa ng Strengthened Senior High School o SHS Program sa darating na school year 2025-2026.

Layunin ng programang ito na gawing mas simple, mas kapaki-pakinabang, at mas handa sa trabaho ang mga estudyante. Ilan sa mga pagbabagong ipapatupad ay ang pagbabawas ng aralin, mula sa dating 15 core subjects kada semester, lima na lang ang ituturo sa buong Grade 11—kabilang ang Effective Communication, Life Skills, General Math, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino, at pagpapalawak ng work immersion para mas magkaroon ng aktwal na karanasan sa trabaho ang mga estudyante. Kabilang din sa mga reporma ang pagpopondo at pagsuporta sa assessment at certification ng Technical-Vocational-Livelihood o TVL graduates.

Alinsunod ito sa nais ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang nagdaang pangatlong State of the Nation Address, na kailangang ayusin ang sistema ng edukasyon para hindi lang matutong bumasa at sumulat ang kabataan, kundi maging mahusay din sa pag-iisip, paglutas ng problema, at maging handa sa kinabukasan.

Bukod sa Strengthened SHS Program, kaliwa’t kanan din ang nakakamit na milestone ng paaralan. Kamakailan ay nagtayo ng sariling chapel ang SDNTS na ipinangalan kay San Thomas Aquinas—isang patron ng edukasyon at huwaran para sa kabataan. Binasbasan ito noong March 14, 2025 at inaasahang magiging lugar na tagpuan ng mga estudyante at mga manggagawa sa Diyos, lalo na sa panahon ng pangangailangan at paghahanap ng kagalingan.
Noong December 2, 2024, natampok din ang SDNTS sa Unang Hirit bilang bahagi ng kanilang 25th anniversary, kung saan nagsayaw ang walong daang (800) estudyante ng kanilang theme song.

Sa ika-60 taon ng SDNTS sa serbisyo, patuloy ito sa pagsulong ng mga makabuluhang programa at proyekto na magpapatunay ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad at makabagong edukasyon para sa kinabukasan ng kabataan.