Inaprubahan ng Civil Service Commission o CSC ang pagbibigay ng hanggang limang (5) araw na Wellness Leave para sa mga kuwalipikadong empleyado ng gobyerno, bilang tugon sa tumataas na stress level at pangangailangan para sa mental at physical wellness sa workplace.

Batay sa CSC Resolution No. 2501292, maaaring gamitin ang Wellness Leave nang magkakasunod na tatlong araw o hiwa-hiwalay sa loob ng taon. Hindi ito nade-defer, hindi convertible to cash, at forfeited kapag hindi nagamit bago matapos ang taon. Maaari itong i-avail para sa mental health care, physical wellness activities, o pangkalahatang pahinga.

Ayon sa CSC, ang bagong polisiya ay nakahanay sa Joint Administrative Order No. 2023-000 ng CSC, DOLE, at DOH, at sinusuportahan ng 2025 Global Workplace Report kung saan lumabas na kabilang ang mga Pilipino sa may pinakamataas na stress level sa Southeast Asia.

Mananatiling kapareho ang proseso ng pag-aapply ng leave: kailangan ang rekomendasyon ng immediate supervisor, aprubal ng head of office, at ang pagsumite ng aplikasyon nang hindi bababa sa limang araw bago gamitin ang leave, maliban kung emergency case. Tinitiyak din ng CSC na protektado ang sensitibong impormasyon ng empleyado alinsunod sa Data Privacy Act.

Magiging epektibo ang Wellness Leave policy 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.

Samantala, positibo ang naging tugon ng ilang empleyado ng Kapitolyo sa bagong benepisyo.

Si Homer M. Francisco mula sa Sports Unit at Provincial Food Council ay nagkuwento tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng panahon para makapagpahinga at maka-recover mula sa personal at work-related stress.

Mula naman sa Governor’s Office, binigyang-diin ni Mary Jane De la Cruz ang epekto ng toxic at energy-draining tasks sa kanilang araw-araw na trabaho, at kung paano makatutulong ang wellness break para maka-recharge.

Habang si Dimaporo Sabdula Mandangan ng Provincial Food Council ay tumutok sa benepisyo nito para sa mga kailangang magpa-checkup o magpagaling, lalo’t hindi na kailangan pang gumamit ng regular sick leave para dito.

Inaasahan ng CSC na ang bagong Wellness Leave ay makatutulong sa pagpapalakas ng moral, kalusugan, at produktibidad ng mga kawani sa pampublikong sektor.