SUNFLOWER RESORT, ISA SA MGA AGRI-FARM TOURISM SA NUEVA ECIJA
Kinikilala na ngayon bilang isang Farm Tourism Province sa bansa ang Nueva Ecija.
Pagsasaka ang kabuhayan ng mga mamamayan dito kaya nga tinagurian itong “Rice Granary of the Philippines.” At dahil sagana ito sa likas na yaman ay paborito itong puntahan ng mga turista.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay nakipagkasundo si Governor Aurelio “Oyie” Umali para sa pagpapaunlad ng turismo sa lalawigan.
Sa aming paglilibot sa Science City of Muñoz ay natagpuan namin sa Barangay Cabisuculan ang Villa Elena Family Resort and Agri-Tourism Farm, na kilala rin bilang “Sunflower Resort”.
Itinatag ito upang magbigay ng lugar at pagkakataon para sa mga pamilya at komunidad na magkasama-sama, mag-relaks, at mag-enjoy. Napag-alaman namin na sa Thailand daw nakuha ang ideya na maglagay ng sunflower. Sa loob ng isang taon ay dalawang beses nagtatanim nito dito sa Villa Elena bago sumapit ang pasko at holy week.
Sa mga panahong ito, libo-libong sunflower ang sumasalubong sa mga bisitang dumarating na simbolo ng kasiyahan, pag-asa, pagmamahal, liwanag, at katapangan.
Binuksan ito noong 2018, tampok ang iba’t ibang uri ng gulay, at mga halamang gamot. Ang ilan sa mga ani rito ay ginagawang produktong pagkain tulad ng atchara, apple cider vinegar, bignay wine, at tilapiang daing. Mayroon ding mga alagang isda, kambing, at native na manok para sa lokal na komunidad.
Ang family resort at agri-tourism farm na ito ay parangal ni Evelyn sa kanyang ina na si ELENA na nag-alay ng kanyang buhay sa kanyang pamilya at komunidad.
Nakapagtatanim sila ng 50 varieties ng prutas dito at ang mga gulay na nasa bahay kubo. Sinisimulan na ring i-develop ang kanilang kapasidad sa paggawa ng mga processed food na galing sa guyabano at mangga.
Sa halagang 90 pesos na entrance fee ay maeenjoy na ang swimming mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, at mayroon ding overnight options para sa mga nais magpalipas ng gabi. Pwede rin dito ang overnight stay, retreat, seminars, birthday party, at camping dahil mayroon silang facilities for accommodation. Makabibili rin sa Villa Elena ng mga sariwang prutas, gulay, binhi, mga souvenir na sunflower inspire, punla ng mga halamang herbal, at iba pang mga pampasalubong.

