SUPLAY NG KURYENTE SA LUZON, MAS MAGIGING STABLE DAHIL SA MARIVELES-HERMOSA-SAN JOSE TRANSMISSION LINE
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon ng Mariveles-Hermosa-San Jose (MHSJ) 500 Kilovolt (kV) transmission lines sa Bataan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sandaling maging operational ito, magpapalakas ito ng power transmission services hindi lamang sa rehiyon, kundi maging sa Metro Manila.
Ang naturang transmission line ay mag-uugnay din sa iba pang mga proyekto sa Bataan, tulad ng Battery Energy Storage System sa Limay, at ang Bataan-Cavite Interlink Bridge.
Ang MHSJ 500 Kilovolt (kV) ay may kabuuang proyekto na nagkakahalaga ng PhP20.94 bilyon, na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC), at ipinatupad naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula Disyembre 2017 hanggang Hunyo 2024.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang mga pagsisikap ng NGCP at iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagkakatupad ng malaking transmission line project.
Sinabi ng Pangulo na ang transmission project ay patunay sa “transformative power” ng kolaborasyon sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong sektor upang makamit ang isang matatag, maaasahan, at matibay na suplay ng kuryente.

