Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na siguruhin ang katatagan at supply ng mga pangunahing pagkain sa gitna ng El Niño phenomenon.
Sa press briefing sa Malacañang matapos ang kanilang sectoral meeting sa Pangulo, tiniyak naman ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mayroong sapat na supply ng pangunahing commodities sa bansa. Wala umanong dapat na ipag-alala ang publiko sa posibilidad na kapusin sa supply ng bigas, palay, baboy at manok sa panahon ng El Niño phenomenon dahil sapat ito para sa mga Pilipino.
Sapat aniya ang imbak na bigas na inangkat mula sa ibang bansa, bukod pa sa inaasahang lokal na supply sa darating na anihan.
Samantala, nasa P141 milyon ang nasirang palayan habang nasa P10 milyon sa mais sa El Niño.
Paliwanag ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary at Task Force El Niño spokesman Joey Villarama, na ang mga nasirang palay at mais ay mula sa Regions 6 at 9 at maituturing na maliit na halaga lamang.
Ayon sa PAGASA na aabutin ng hanggang Abril ang panahon ng tagtuyot.

