SUPORTA NG KAPITOLYO SA MGA MAGSASAKANG NOVO ECIJANO, TULUY-TULOY
Patuloy ang pamimili ng sariwang palay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga magsasaka sa ilalim ng Palay Price Support Program ng Provincial Food Council (PFC) sa inisyatiba ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali.
Noong September 17, 2025, sabay-sabay na binayaran ng Provincial.Treasurer’s Office ang dalawampong mga magsasaka mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan na nabilhan ng kanilang ani sa presyong ₱15 kada kilo.
Mas mataas ito kumpara sa kalakarang presyo na umaabot lamang sa ₱12 hanggang ₱13 kada kilo.
Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay si Eugene Caberto mula sa Barangay Mag-Asawang Sampalok, General Mamerto Natividad, na nagsasaka ng dalawang ektaryang lupa.
Ayon kay Caberto, napakahalaga ng dalawang pisong dagdag sa presyo ng palay para sa kanila.
Kwento niya, umaabot sa ₱46,000 ang puhunan nya kada ektarya ng lupa, dahil sa mahal ng binhi, pataba, at mga gamot para sa tanim.
Kasabay ng pamimili ng palay ay nagbebenta rin ng bigas ang Kapitolyo sa halagang ₱20 kada kilo na ipinagpapasalamat din ni Caberto.
Isa pang benepisyaryo ng programa si Raul Faigal mula sa Guimba, Nueva Ecija. Kwento niya, madalas bagsak-presyo ang palay sa kanilang lugar, kaya’t kadalasan ay lugi rin silang mga magsasaka.
Aniya, malaking tulong ang pamimili ng palay ng Kapitolyo sa halagang ₱15, kumpara sa ₱12–₱13 lamang mula sa mga traders.
Ganoon din ang karanasan ni Tatay Edgardo Legazpi mula sa Sto. Tomas, Peñaranda, Nueva Ecija. May isang ektarya lamang siyang sinasaka, kaya’t laking tuwa niya na naibenta niya ang kanyang aning palay sa patas na presyo.
Ang Palay Price Support Program ay bahagi ng adhikain ng pamahalaang panlalawigan na matulungan ang mga magsasaka sa harap ng pabagsak ng halaga ng palay at patuloy na pagtaas ng gastusin sa pagsasaka.

