SURPRISE DRUG TEST: Nanganganib na matanggal sa serbisyo publiko ang hindi bababa sa 15 empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Limay, Bataan.
Ito’y matapos silang magpositibo sa suprise drug test sa Bataan na isinagawa kamakailan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Limay Mayor Richie Jason David, kabilang ang 15 kawani sa 305 employees na sumailalim sa nasabing pagsusuri.
Bukod dito, sumailalim din mismo si Mayor David sa naturang drug screening upang ipakita ang kaniyang suporta kontra ilegal na droga.
Binigyan-diin ng alkalde na ang sinumang mapapatunayang sangkot sa masamang bisyo ay agad na masisisante sa trabaho.
Monitoring Matapos ang Surprise Drug Test sa Bataan
Samantala, hindi muna umano ilalabas ang pagkakakilanlan ng mga kawani dahil kailangan pa nilang sumailalim sa confirmatory testing.
Isinagawa ang surprise drug tests sa Bataan matapos makatanggap ng mga ulat tungkol sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa lugar.
Nagbabala rin ang PDEA tungkol sa mga bagong paraan ng pagbebenta ng bawal na gamot sa probinsya.
Ayon sa mga awtoridad, laganap na ang paggamit ng online platforms at mga “one-stop shops” para sa mabilisang transaksyon.
Dahil dito, kailangan na umano ang mas maigting na digital monitoring upang tuluyang mahuli ang mga nagpapakalat ng ilegal na droga.

