SUSI PARA SA PAGKAKAISA SA PAGLILINGKOD SA NUEVA ECIJA, IGINAWAD KAY BISHOP PRUDENCIO ANDAYA
Bilang pagkilala sa pamumuno sa paggabay sa mga mananampalataya sa lalawigan ay buong pagmamalaking iginawad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ang simbolikong susi ng lalawigan kay Reverend Bishop Prudencio P. Andaya Jr., CICM, D.D., na kumakatawan sa kahandaan ng lalawigan na makipagtulungan sa diocese sa pagpapatibay ng mga pagpapahalaga ng pananampalataya, pagkakaisa at paglilingkod sa mamamayan.
Pinangunahan naman ni Vice Governor Anthony Umali kasama ang Sangguniang Panlalawigan Members ang pagbasa sa resolusyon ng pagtanggap at pagkilala kay Reverend Bishop Andaya, bilang bagong Bishop ng Diocese ng Cabanatuan sa pormal na pagluklok sa kanya noong Lunes, February 3, 2025, sa St. Nicholas of Tolentine Cathedral Parish.
Pinagtibay noong January 20, 2025 sa 3rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Rev. Fr. Sedfrey J. Calderon, Chancellor ng Diocese of Cabanatuan para sa pagpapasa ng naturang resolusyon.
Base sa nilalaman ng resolusyon, matapos tanggapin ng Vatican ang pagbibitiw ni Most Reverend Sofronio Bancud noong December 8, 2024 ay itinalaga ni Pope Francis na hahalili dito si Archbishop Andaya.
Ipinanganak si Bishop Andaya sa Lubuagan, Kalinga ngunit ang mga magulang ng kanyang ina ay tubong Peñaranda, Nueva Ecija.
Inordinahan na pari si Andaya noong Disyembre 8, 1986, itinalagang obispo noong Hulyo 16, 2003 at nagsimulang maglingkod bilang Vicar Apostolic ng Tabuk noong 2003.

