TAAS-SWELDO NG MGA KAWANI NG PROVINCIAL GOVERNMENT, PINUKPUKAN NA SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Inaprubahan sa 32nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Acting Governor Anthony Umali na magpasa ng isang ordinansa ng paglalaan ng pondo, na nagpapahintulot sa Supplemental Budget No. 9 para sa Calendar Year 2024 ng Provincial Government ng Nueva Ecija, na may kabuuang halagang Php14,495,442.72 na sumasaklaw sa mga kinakailangang pondo upang suportahan ang pagtaas ng sahod ng mga opisyal at kawani ng PGNE sa ilalim ng Tranche I na magiging epektibo simula Oktubre 1, 2024, alinsunod sa Executive Order No. 64, s. 2024 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Local Budget Circular 160 mula sa Department of Budget and Management.

Ayon kay Acting Budget Officer Billy Jay Guansing, simula 1989 ay nagkaroon na ng walong beses na salary increase sa Provincial Government at ito na ang pang siyam na beses na pagtataas ng sweldo ng mga kawani.

Sinabi ni Guansing na simula nang maupo si Governor Aurelio Umali ay isa sa kanyang naging prayoridad ang pagbibigay ng salary increase sa mga empleyado.

Sa kanyang presentasyon ang timeline ng tranches ng salary increase para sa susunod na tatlong taon ay ipatutupad kada October 1 ng taon hanggang sa Tranche 4.

Para sa 1st tranche ng Salary Standardization Law, ang sub-professional level na may salary grade 1-10, ang pagtaas ay nasa pagitan ng 4%-5.90%; ang mga professional level na may SG 11-24 ang sweldo ay tataas mula 4.50%-5.60%.

Ang implementasyon ng first tranche ay hindi aniya dapat mas maaga sa August 2, 2024 alinsunod sa Section 325(g) ng RA No. 7160, kung saan nakasaad na ang salary increase or adjustments ay hindi retroactive.