TAKOT SA MALAKING GASTOS NG LOLO, 2 GINANG, NAPALITAN NG GINHAWA DAHIL SA LIBRENG SURGICAL CARAVAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Hindi maitago ng tatlong pasyente at kanilang pamilya ang labis na tuwa at pasasalamat matapos silang maisailalim sa libreng operasyon sa ilalim ng Surgical Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, na isinagawa sa Gapan District Hospital noong Oktubre 30, 2025.

Isa sa mga pasyenteng nabiyayaan ng libreng operasyon ay si Tatay Felino Mercado, 77-anyos mula Peñaranda, na mahigit dalawang taon nang nagtiis ng kirot dahil sa hernia.

Ayon sa kanyang anak na si Ellia, hindi nila agad naipagamot ang kanyang ama dahil sa takot na aabot sa ₱40,000 hanggang ₱50,000 ang gastos para sa operasyon.

Nang mabalitaan nila ang free major operation program, agad silang nagpasuri at naisama si Tatay Felino sa listahan ng mga ooperahan, nang walang ginastos ang kanilang pamilya.

Samantala, isa ring pasyente na natulungan ay si Maylyn Santiago, dating OFW mula Gapan, na tatlong beses nakaranas ng matinding pagsumpong ng gallbladder pain habang nasa abroad, na hindi niya agad napa-opera dahil nasa ₱120,000 ang halaga ng dapat sana’y bayarin.

Isa pa ring benepisyaryo si Evelyn Miranda ng Brgy. Sapang, Jaen, na naoperahan para sa breast mass excision, ang ikatlong pagbalik ng kanyang kondisyon.

Bilang simpleng nagtitinda sa palengke, aminado siyang mas nangibabaw ang takot sa gastos kaysa sa mismong sakit.

Ayon sa tala ng Provincial Health Office, noong naturang araw ay naisagawa ang apat (4) na major surgeries:2 Cholecystectomy, 1 Herniorrhaphy, 1 Breast Mass Excision at 33 naman ang isinagawang minor excisions o pagtanggal ng iba’t ibang bukol at cyst.

Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Gil Raymond “Lemon” Umali, ang pagbibigay ng libreng de-kalidad na serbisyong medikal, lalong-lalo na para sa mga Novo Ecijanong walang sapat na kakayahang pinansyal.