TALAMAK NA KORAPSYON, HADLANG SA PAGPASOK NG MGA NAMUMUHUNAN SA PILIPINAS; MALACAÑANG, SINABI NA MAY TIWALA PA RIN ANG INVESTORS

Binigyang-diin ng Estados Unidos na nananatiling isa sa pinakamalaking hadlang sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas ang talamak na korapsyon.

Sa taunang ulat ng US Department of State, tinukoy ang Bureau of Customs bilang isa sa pinaka-korap na ahensya dahil sa mga reklamo ng sobra-sobrang inspeksyon, pabagu-bagong singil, at pangingikil ng lagay mula sa ilang opisyal.

Kabilang din sa mga nabanggit na problema ang mabagal na proseso ng business registration, customs, immigration, at kawalan ng tiwala sa hudikatura na nakikitang mabagal at apektado ng katiwalian. Dahil dito, maraming negosyanteng dayuhan ang umiiwas na magsampa ng kaso sa korte.

Noong 2024, nanatili sa $8.9 bilyon ang foreign direct investments (FDI) sa bansa, halos kapareho ng naitala noong 2023. Bukod sa katiwalian, binanggit din sa ulat ang mataas na singil sa kuryente, kakulangan sa imprastruktura, matinding trapiko, pagkaantala sa pantalan, at dominasyon ng malalaking pamilya sa ekonomiya bilang dagdag na balakid sa pamumuhunan.

Kahit may CREATE MORE law na ipinasa para makaakit ng investors, ipinunto ng State Department na mabagal at magulo pa rin ang proseso ng burukrasya, habang nananatiling komplikado at mabusisi ang pagpaparehistro at pagkuha ng permit na isa pang nakakahadlang na problema para sa mga negosyante.

Samantala, sinabi naman ng Malacañang na nananatiling matatag ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na garantiya ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa katiwalian, bilang patunay na seryoso ang administrasyon sa pagsusulong ng transparency at accountability.

Ipinunto pa ng Palasyo na si Marcos ang kauna-unahang Pangulo na nagpasimula ng imbestigasyon sa malalaking anomalya sa mga proyekto ng gobyerno, kabilang ang flood control. Itinuturing umano ng international community na positibong hakbang ang kanyang pagtutok sa transparency, dahilan upang lumakas ang kumpiyansa ng mga dayuhan na maglagak ng kapital sa bansa.

Kaugnay nito, binuo ng Pangulo ang Independent Commission for Infrastructure na inatasang magsiyasat sa mga iregularidad sa mga proyekto ng DPWH sa nakalipas na sampung taon at magsumite ng rekomendasyon para sa posibleng kaso laban sa mga sangkot na opisyal at indibidwal.