Opisyal nang binuksan ng National Irrigation Administration (NIA) ang Talavera River Super Diversion Canal Siphon noong February 1, 2026.
Isinagawa ang commissioning sa Llanera, Nueva Ecija.
Pinangunahan ni NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen ang pagbubukas ng proyekto.
Dumalo rin ang mga opisyal mula sa Department of Agriculture, lokal na pamahalaan, at mga Irrigators’ Associations.
Dahil sa muling pagbubukas, mabilis na naibalik ang suplay ng irigasyon sa mga sakahang naapektuhan ng pagkasira ng siphon.
Sa kabuuan, umabot sa 39,748.93 hectares ng sakahan ang muling nabigyan ng patubig ng Talavera River Siphon.
Bukod dito, 26,335 na magsasaka sa Nueva Ecija ang makikinabang sa maagang pagbubukas ng pasilidad.
Dahil natapos ang proyekto isang buwan bago ang target, inaasahang makakapagtanim ang mga magsasaka para sa buong dry season.
Ayon sa NIA, mahalaga ito upang mapanatili ang produksyon ng palay bago dumating ang tag-ulan.
Ayon kay Guillen, isinagawa ang agarang pagkukumpuni alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bahagi umano ito ng food security agenda ng kasalukuyang administrasyon.
Aniya, susi ang matibay na irigasyon sa pagtaas ng ani ng palay.
Hinikayat din ng NIA ang mga magsasaka na pangalagaan ang pasilidad para sa tuloy-tuloy na patubig.

