Mula noong Lunes ay isinagawa ang tatlong araw na nationwide strike ng ilang transport upang tutulan ang nalalapit nang pagtatapos ng April 30 franchise consolidation deadline ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operetors Nationwide (Piston) Deputy Secretary General Ruben Baylon, magtatapos ang kanilang kilos-protesta ngayong Mayo 1, na Labor Day.
Inaasahan aniyang sa Metro Manila pa lamang ay aabot na sa 100,000 indibidwal ang lalahok sa protesta.
Giit ng grupo, napipintong mawalan ng kabuhayan ang mga driver at operators dahil sa consolidation deadline na ipinapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya’t nais nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Target na iparalisa ng grupo ang ilang public transportation sa ilang lugar, partikular ang ilang lansangan sa National Capital Region (NCR), kabilang ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Project 2 at 3, Quezon City, Katipunan at Philcoa.
Kabilang din sa mga lalahok ang Manibela, at labor groups, na Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil apektado rin umano ang mga commuters na karamihan ay mga manggagawa.
Ngayong unang araw ng Mayo araw ng mga mangagawa ay ikinasa rin ng mga Lalamove delivery riders ang kanilang welga.
Inaasahang aabot sa halos 50,000 na Lalamove delivery rider ang hindi mamamsada, para iprotesta ang malaking porsiyento na ibinabawas sa kanilang komisyon.
Ayon sa mga riders, P20 ang kinukubra sa kanila ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa bawat P100 na booking kaya napakalaki umano ang nawawala sa kanilang mga kita.Hindi buong P80 ang kanilang naiuuwi dahil kailangan pa nilang pakarga ng gasolina at marami pa silang ibang gastusin tulad ng pagpapakumpuni ng sasakyan.
Nanawagan sila sa mga kapwa partner rider na sumama sa kilos protesta sa Mayo `no para ipaglaban ang kanilang karapatan.
Bukod sa nationwide booking strike, makikiisa rin umano ang kanilang mga miyembro sa kilos protesta ng mga manggagawa ngayong Labor Day at magmamartsa sila patungong Mendiola sa Maynila.

