TATLONG BABAENG ANAK NG MAG-ASAWANG GURO SA CLSU, LAHAT NAGTAPOS NANG MAY KARANGALAN

Tatlong magkakapatid na babae mula sa isang pamilyang guro ang nagtapos na may mga parangal sa kolehiyo, kabilang ang mga unibersidad sa loob at labas ng Nueva Ecija.

Sina Dina Romano at ang kanyang asawa ay parehong nagtuturo sa Central Luzon State University (CLSU), sa kabila ng simpleng pamumuhay, nagawang mapagtapos ng mag-asawa ang kanilang tatlong anak na babae, lahat ay may natanggap na akademikong pagkilala.

Ang panganay na si Lyka ay nagtapos sa University of the Philippines (UP) sa kursong Business Administration, bilang magna cum laude, ang pangalawa na si Nicka ay nagtapos din sa UP Clark, cum laude sa kursong Economics at ang bunsong anak na si Ericka ay nagtapos sa CLSU bilang cum laude sa kursong BSBA Marketing, at kinilala bilang Most Outstanding Student sa unibersidad.

Ayon kay Gng. Romano, hindi naging madali ang pagpapalaki sa tatlong anak lalo na noong sabay-sabay pa silang nasa paaralan.

Wala aniya silang minanang mag-asawa, pero pinagsikapan nilang buhayin at pag-aralin ang kanilang mga anak, at sa kabila ng kahirapan, pinili nilang manatili sa bansa kaysa mag-abroad para sabay nilang mapalaki ang kanilang mga anak.

Ayon kay Gng. Romano, simple lang ang buhay nila, hindi magastos ang mga anak, marunong silang mag-ipon at masipag mag-aral. Hindi raw sila sinisigawan o pinapalo, sa halip, laging pinaliliwanagan at kinakausap nang maayos.

Wala raw silang pinilit sa mga anak—mula sa kursong kukunin hanggang sa kung anong eskwelahang papasukan.

Ibinahagi rin ni Gng. Romano na malaking bahagi ng kanilang tagumpay ay dahil sa pananampalataya sa Diyos, tinuturuan niya ang mga anak na laging lumapit sa Kanya, magpasalamat, at maging mapagpakumbaba kahit anong marating.

Ngayon, may trabaho na ang panganay at naghahanda na ring magtrabaho ang dalawa.

Sa tanong kung anong naging susi sa maayos na pagpapalaki sa mga anak, sagot ni Romano: gabay, oras, at bukas na pakikipag-usap.

Sa huli, lubos ang pasasalamat ni Gng. Romano sa Diyos, sa kanyang asawa, at sa kanilang tatlong anak. Para sa kanya, ang kanilang simpleng pamilya ay naging ganap na kwento ng tagumpay.