TATLONG TAONG PANUNUNGKULAN SA SK, KATUMBAS NA NG CIVIL SERVICE ELIGIBILITY

Ipinahayag ng Civil Service Commission o CSC na maaari nang mabigyan ng civil service eligibility ang mga Sangguniang Kabataan officials na nakatapos ng buong tatlong taong termino at may maayos na rekord sa serbisyo.

Batay sa CSC Resolution No. 2500752, ang Sangguniang Kabataan Official Eligibility o SKOE ay maaaring gamitin sa mga first-level positions sa pamahalaan tulad ng administrative assistant o project development officer maliban sa mga posisyong nangangailangan ng board exam o espesyal na kwalipikasyon.

Ipinahayag ni CSC Chairperson Atty. Marilyn Yap na layunin ng SKOE na kilalanin ang mahalagang ambag ng kabataan sa pamahalaan at bigyan sila ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang serbisyo sa publiko.

Saklaw ng SKOE ang mga elected at appointed SK officials na nagsilbi sa ilalim ng Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, kabilang ang mga naglingkod mula 2018 hanggang 2022, basta’t natapos nila ang buong termino.

Kasama rito ang mga SK members, pati na rin ang mga secretary at treasurer na hinirang ng SK chairperson at inaprubahan ng SK council.

Sakop din ng SKOE ang mga opisyal na nanungkulan matapos ipatupad ang Republic Act No. 11768 o “An Act Strengthening the Sangguniang Kabataan” na naging epektibo noong Hunyo 1, 2022.

Nilinaw ng CSC na ang mga SK chairperson ay sakop ng Barangay Official Eligibility (BOE) at hindi kabilang sa SKOE.

Maaaring mag-apply para sa SKOE ang mga Sangguniang Kabataan officials na:

  • nakatapos ng buong tatlong taong termino;
  • nasa mabuting katayuan habang nanunungkulan; at
  • hindi kamag-anak hanggang ikalawang antas ng kasalukuyang halal na opisyal sa kanilang lugar.

Pinaalalahanan ng CSC ang publiko na maaaring bawiin o kanselahin ang eligibility kung mapapatunayang ibinigay ito sa hindi kwalipikadong indibidwal o kung may nilabag na panuntunan.

Bagama’t nagsimula na ang pagtanggap ng aplikasyon para sa SKOE noong Oktubre 4, ipinaliwanag ng CSC Nueva Ecija Field Office na naghihintay pa sila ng implementing guidelines mula sa central o regional office bago tumanggap ng mga aplikasyon.

Tiniyak naman ng ahensya na maglalabas sila ng anunsyo o update sa sandaling makumpleto ang mga panuntunan upang maging maayos ang proseso at hindi mahirapan ang mga aplikante.