Mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine National Police ang pagkakaroon ng tattoo sa mga police applicant habang pinabubura naman sa mga kasalukuyang pulis ang kanilang mga visible na tattoo.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan noong March 19, 2024, ang mga uniformed, non-uniformed na pulis gayundin ang mga civilian ay kinakailangang magpabura ng kanilang tattoo na nakikita o nakalantad sa kanilang mga uniprome.
Sinabi ni PNP- Public Information Office chief Police Col. Jean Fajardo, bagama’t itinuturing isang art at sariling ekspresyon ng sarili ang tattoo, hindi raw magandang tingnan sa kapulisan na masyadong burdado ng tattoo.
Aniya, kinakailangan ding magsumite ng affidavit ang isang pulis na nag-alis ng tattoo na hindi na siya magdaragdag pa sa alinmang bahagi ng kaniyang katawan kahit na sa tago o hindi tago.
Kabilang sa mga tattoo na pinapatanggal ay ang tinatawag na extremist tattoos, ethnically o religiously discriminatory, offensive tattoos, racist tattoos at sexist tattoos.
Pinapayagan naman ng PNP ang mga aesthetic tattoos tulad ng eyebrows, eyeliner at lip tattoo.
Bibigyan naman ang mga ito ng tatlong buwan para tanggalin ang mga tattoo at kung hindi magagawa ay maaaring maharap sa administrative case.
Umani naman ng ibat-ibang reaksiyon ang nasabing kautusan ng PNP mula sa mga netizen.

