TEACHER, PINATULOG ANG MGA ESTUDYANTENG PAGOD AT WALANG TULOG; UMANI NG PAPURI AT 1.8M VIEWS SA SOCIAL MEDIA
Hinangaan ng libu-libong netizen ang isang guro matapos niyang payagan ang kanyang mga estudyante na matulog sa kalagitnaan ng klase, isang hakbang na aniya ay mula sa malasakit at pag-unawa sa kalagayan ng kanyang mga mag-aaral.
Ayon sa viral post ng guro na si Marco Javier, habang nagtuturo umano siya, napansin niyang marami sa kanyang mga estudyante na tinatayang nasa sampu, ang labis na inaantok, at ang ilan ay tuluyan nang nakatulog sa klase.
Sa halip na magalit, tinawag niya ang mga ito sa harapan upang magpaliwanag, doon niya nalaman na karamihan sa kanila ay walang tulog at may ubo pa.
Dahil dito, pinayagan niya ang buong klase na makatulog ng 30 minuto habang siya naman ay nanatiling nagbabantay.
Aniya sa kanyang post, “Paumanhin po DepEd, sa aking punong-guro at sa aming ASP, pero iyon po ang naramdaman kong tama. Sigurado po akong may natutunan pa rin sila bago umuwi”.
Umani ng papuri ang guro mula sa mga netizen na labis na humanga sa kanyang malasakit.
Marami ang nagsabing hindi man maalala ng mga estudyante ang lahat ng leksyon, ngunit hinding-hindi nila makakalimutan ang kabutihan at pag-unawa ng kanilang guro.
May ilan ring netizens ang naalala ang kanilang mga naging guro na nagpakita rin ng malasakit at pang-unawa sa kanilang sitwasyon dati.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 1.8 milyong views, 56,000 reactions, at mahigit 1,000 shares ang naturang post, dahil sa marami ang naka-relate at humahanga sa mga gurong inuuna ang kapakanan ng kanilang mga estudyante bago ang leksyon.

