TINANGGAL NA SERVICE NG BARANGAY PULA CABANATUAN, PINALITAN NG BAGONG AMBULANSIYA NG KAPITOLYO

Imbes na may service na sasakyan ang Pamahalaang Barangay ng Pula sa Cabanatuan City lalo na kapag may emergency cases gaya ng aksidente na kailangang magtakbo ng pasyente sa ospital ay wala umano silang magamit.

Dahil matapos matalo ang dating kapitan ng Pula ay kaagad nitong isinauli sa City Hall ng Cabanatuan ang service vehicle ng barangay.

Kaya ayon kay Kapitan Guillermo Hizon, napakahirap nang wala silang magamit na service dahil hindi sila makatugon kapag may manganganak, o may sakit na kailangang madala sa pagamutan.

Ang Barangay Pula ay ang pinakadulong Barangay ng Cabanatuan katabi na nito ang Bayan ng Talavera kaya kapag may sakuna o aksidente hindi kagad maka responde ang mga opisyales.

Malaking pasasalamat na lang ni Kapitan Hizon dahil sinolusyunan ng Kapitolyo sa pamumuno ni Governor Aurelio Oyie Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali ang kanilang problema, dahil isang bagong ambulansiya ang ibinigay para sa kanilang barangay.

Dahil ayaw ni Kapitan Hizon na maranasan din ng ibang barangay na walang magamit na sasakyan ay open umano siyang ipahiram ang kanilang bagong ambulansiya sa mga karatig barangay kapag kailangan.