TOP 10 SA BEST IN SWIMSUIT SA MISS GRAND INTERNATIONAL 2023, INILABAS NA; ILANG KANDIDATA, NADULAS SA OUTDOOR SWIMSUIT CHALLENGE
Mahaba ang ruta ng mga kandidata ng Miss Grand International 2023, ngunit ang nagpahirap sa outdoor swimsuit challenge ay ang ambon.
Nabasa ng ambon ang buong beachfront ng Danang Mikazuki Resort and Spa, kaya naging peligroso ang huling leg ng swimsuit challenge dahil madulas ang sahig.
Ilan sa mga nadulas dito ang Miss Grand Bolivia, Miss Grand Haiti, Miss Grand Bonaire, Miss Grand Paraguay at ang may pinakamasama ang pagkakabagsak ay ang Miss Dominican Republic.
Sina Miss Grand Colombia at Miss Grand Costa Rica ay natapos ang mahabang ruta nang walang anumang problema.
Sa kabila naman ng pagkakadulas ni Miss Grand Bolivia ay nakapasok ito sa Top 10 na may pinakamataas na score sa voting session para sa Best in Swimsuit, kasama sina Miss Grand Vietnam, Miss Grand Myanmar, Miss Grand Thailand, Miss Grand Peru, Miss Grand Indonesia, Miss Grand Cambodia, Miss Grand Colombia, Miss Grand Brazil, Miss Grand Guatemala.
Hindi man nakasama sa Top 10 nang may pinakamataas na votes si Miss Grand Philippines Nikki De Moura na bahagya ring natapilok ay naitagpos nito at nagpakitang gilas pa rin ito sa pagrampa.
Walang exaggeration, walang pagkukunwari, totoo, authentic at charming, ganito inilarawan ng mga tagahanga at taga-suporta ni Nikki ang kanyang swimsuit performance.
Ang botohan ay binuksan noong October 15 hanggang October 17, 2023 via Miss Grand International’s Facebook at Instagram.
Ang resulta ay hindi pa pinal dahil pipili pa ang mga hurado ng 10 beauties na lalaban para sa Best in Swimsuit.
Para naman sa Country’s Power of the Year ay pasok sa Group A sina Miss Grand Thailand at Miss Grand Vietnam habang sa Group B naman ay sina Miss Grand Myanmar at Miss Grand Peru na hindi pa rin pinal ang resulta.
Ang mananalo sa botohan para sa titulong ito ay magkakaroon na ng spot para sa Top 20.
Naka-iskedyul sa October 25, 2023, ang 11th Miss Grand International coronation night sa Hanoi, Vietnam.

