Pinagbawalan ng Korte Suprema ang mga traffic enforcers ng mga local government units (LGUs) na mag-isyu ng mga traffic violation receipts sa mga motorista.
Maliban na lamang umano kung sila ay deputized ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isang en banc decision kamakailan, na iniakda ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, nag-isyu ang Supreme Court ng permanent injunction sa LGUs at pinagbawalan silang mag-isyu ng Ordinance Violation Receipts (OVR) at magkumpiska ng lisensiya.
Ipinawalang-saysay rin nito ang mga ispesipikong ticketing provisions sa mga lokal na ordinansa ng mga lungsod ng Makati, Taguig, Parañaque, Pasay, Quezon, San Juan, Navotas, Las Pinas, Pasig, Muntinlupa, Mandaluyong, Valenzuela, Caloocan, at Maynila, gayundin ang bayan ng Pateros.
Pinaboran pa ng SC ang petition for review on certiorari na inihain ng mga transport groups na FEJODAP, ACTO at ALTODAP laban sa mga LGUs.
Binaligtad rin ng SC ang unang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagsabing walang conflict sa pagitan ng MMDA law at Local Government Code dahil ang mga ito ay may ispesipikong hangganan.
Samantala,
Inamin ng MMDA na hindi sapat ang bilang ng kanilang mga traffic enforcers para manduhan ang buong Metro Manila.
Giit ng MMDA maari pang hulihin ng local traffic enforcers ang traffic law violators o ang mga motorista na lalabag sa mga batas-trapiko sa kabila ng inilabas na desisyon ng Korte Suprema.
Sinabi ni acting Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes hindi pa “final and executory” ang desisyon ng Korte Suprema na kumilala sa kapangyarihan ng ahensiya na gumawa ng mga hakbang para solusyonan ang isyu sa trapiko sa Kalakhang Maynila.

