TRANSPARENCY SA PAMAMAHAGI NG AYUDA NG DSWD, NASAAN?
Patuloy ang mga katanungan kaugnay ng transparency sa pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Ayuda para sa mga Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa isinagawang pay-out ng ayuda noong April 24-25, 2025 sa Midway Colleges sa Brgy. Bitas at SM City Cabanatuan, lumutang ang mga isyu gaya pagbabawal sa media, presensya ng mga barangay vehicle, at hindi magkakatugmang pahayag mula sa mga benepisyaryo tungkol sa pinagmulan ng ayuda.
Sa Midway College, hindi pinayagan ng mga guwardya at enforcers ang mamamahayag mula sa TV48 at DWNE na makapasok sa lugar, samantala, sa SM City Cabanatuan, itinuro ng staff ang media sa Legal Office ng City Governement ng Cabanatuan.
Nang puntahan ng TV48 ang DSWD Provincial Extension Office, sinabing ang Regional Office lamang ang may awtoridad na magsalita ukol dito.
Nagpadala ng liham ang TV48 upang kinuwestiyon ang pagpili ng mga venue na hindi bukas sa publiko, gaya ng pribadong paaralan at mall.
Bagamat sinabi ng DSWD na ito ay para sa seguridad ng mga benepisyaryo at mga kawani, hindi pa rin direktang sinagot kung bakit hindi pinayagang pumasok ang media upang masaksihan ang aktwal na distribusyon ng pondo—isang pangunahing elemento sa pagtiyak ng transparency.
Dagdag pa rito, hindi rin malinaw sa ilang benepisyaryo kung saan galing ang nattanggap na ayuda, may nagsabing ito’y mula sa isang partylist, may nagsabing “tulong pinansyal”, habang ang iba ay hindi alam ang pinagmulan ng ayuda.
Isa ito sa mga bagay na ipinunto ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na nagsabing ginagamit diumano ng ilang politiko ang mga ayuda para sa pansariling interes.
Dagdag pa niya, ginagawang panakot ng ilang mambabatas ang pagbabanta na iipitin ang budget ng DSWD upang makialam sa distribusyon.
Ayon pa kay Magalong, noong nakaraang taon ay naglaan ng mahigit ₱26 bilyon para sa AKAP ngunit wala raw malinaw na guidelines, kaya’t ang nakatatanggap umano ng ayuda ay ang mga tagasuporta ng ilang politiko.
Isa pa sa mga isyung tinukoy niya ay ang tinatawag na “closed-door distribution,” kung saan isinasagawa ang pamamahagi sa mga lugar na kontrolado ng politiko, kung saan sila pa ang nagbibigay ng mensahe at nagpapalabas na ang pondo ay galing sa kanila.
Ang mga gawaing ito ay salungat sa itinakdang alituntunin ng Joint Memorandum Circular No. 2025-1, s. 2025, kung saan nakasaad sa Section XIII, Paragraph 2 na obligadong maglathala ang Program Management Bureau – Crisis Intervention Divisio o PMB-CID ng listahan ng mga benepisyaryo upang matiyak ang pagiging bukas at patas ng proseso.
Kaugnay nito, tinawag ni Greco Belgica, 1st nominee ng Bisaya Gyud Partylist, ang mga programang AICS, AKAP, at TUPAD bilang modernong pork barrel, na idineklara na ng Korte Suprema na unconstitutional ang pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013.
May mga benepisyaryo ring nagsabing tumanggap lamang sila ng 2,000 pesos, kahit pa sinabi ni Vice President Sara Duterte na dapat ay 5,000 pesos ang matatanggap ng bawat isa.
Ang mga alegasyong ito, kung mapapatunayan, ay maaaring magpahiwatig ng pag-abuso sa pondo ng bayan, dahil sa ilalim ng Full Disclosure Policy (DILG Memorandum Circular 2010-83), obligasyon ng lahat ng pampublikong opisyal at kawani ng gobyerno na magpakita ng honesty and full disclosure sa paggastos ng pampublikong pondo.
Habang patuloy na sinasabi ng DSWD na may sinusunod silang proseso at alituntunin, tila may malaking agwat sa pagitan ng mga ito at ng aktwal na nangyayari sa mga payout.

