TRAYSIKEL SA CATEEL, DAVAO ORIENTAL, MAY SECOND FLOOR

Namangha ang publiko sa Cateel, Davao Oriental at viral din sa social media ang isang traysikel na mayroong second floor o dalawang palapag.

Kung ang karaniwang kayang isakay ng normal na disenyo ng traysikel ay nasa apat hanggang limang katao, dito sa double decker tricycle ay kaya pang magdagdag ng isa o dalawa pang pasahero.

Ang customized traysikel ay gawa ng grupo ng content creator na si Pordz Batiller, sa loob ng dalawang buwan kung saan umabot sa humigit-kumulang Php100,000 ang kanilang ginastos.

Ayon sa isang safety expert, kung gagamitin sa pamamasada ang binagong sasakyan ay kinakailangan itong idaan sa local testing o authorized testing facility upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Ngunit base naman sa grupo ay wala silang planong gamitin sa pamamasada ang naturang sasakyan kundi gagamitin lamang nila para sa kanilang content.

Taong 2023 naman nang ibahagi sa social media ng isang netizen ang larawan ng isa ding double-decker tricycle habang ito ay namamasada.

Nauna pa dito, ay isang motorsiklo na may mahabang angkasan ang ginawa din ng grupo ni Batiller na ipinost din nila sa kanilang Facebook page noong Marso, na umani ng 16 million views at hundred thousand na reactions.

Ang naturang mahabang motorsiklo ay ginawa naman sa loob lang ng tatlong araw.

Ipinakita ng grupo kung anu-anong mga materyales at kung paano ginawa ang dalawang binagong sasakyan sa kanilang mga vlogs na nakapost sa Mandaya knows Facebook page.