TREATY SA PAGITAN NG INDONESIA AT PILIPINAS SA PAGPAPAUWI KAY MARY JANE VELOSO, PINABULAANAN NG DOJ

Pinabulaanan ng Department of Justice na mayroong treaty sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas kaya maibabalik na ng bansa si Mary Jane Veloso para isilbi ang kanyang sentensya sa pasilidad ng bansa.

Ang nakatakdang paglilipat ng piitan kay Veloso ay dahil umano sa walang humpay na pakikipag-usap at kasunduan batay sa international comity and courtesy sa nasabing bansa.

Sa naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay sinabi nitong pumayag na ang Indonesia na maiuwi si Veloso sa Pilipinas upang dito na ikulong.

Ang pag-uusap ng Pilipinas at Indonesia para sa posibleng paglipat sa Filipina death row convict sa bansa ay kinumpirma na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Base sa Indonesia media ang posibilidad na payagan ang mga dayuhang bilanggo tulad ni Veloso para bunuin ang kanyang sentensya sa sariling bansa ay masusing pinag-iisipan ng kanilang gobyerno.

Ipinahayag na rin ni DFA Undersecretary for Migration Eduardo de Vega na ginagawa nila ang kanilang makakaya para iligtas si Veloso at kaisa din umano ang DFA sa pagdarasal para sa resolusyon ng kaso nito.

Ayon sa legal counsel ni Veloso na si Atty. Edre Olalia, ang paglilipat kay Veloso ay paglipat din ng responsilidad na mangangasiwa sa kaparusahan.

Kapag nailipat na ito ng piitan ay bubunuin ni Veloso sa kulungan ang habambuhay na pagkabilanggo dahil walang death penalty sa Pilipinas.

Si Mary Jane ay ang Novo Ecijanong inaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa pagdadala ng suitcase na may laman umanong 2.6 kilograms ng heroin at kalaunan ay sinentensiyahan ng kamatayan.

Noong 2015 ay napagtagumpayan nito ang last-minute reprieve mula sa firing squad matapos na arestuhin sa Pilipinas ang babaeng sinasabing nag-recruit sa kanya.