BABALA! SENSITIBONG BALITA:

TRICYCLE DRIVER, MINURA AT NANUNTOK UMANO NG PULIS SA CABIAO

Nahaharap sa mga kasong Direct Assault at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) ang isang tricycle driver na nanakit umano sa mga pulis sa isinagawang OPLAN Sita sa bayan ng Cabiao, Nueva Ecija.

Hindi pinangalanan ang suspek na isang 32-anyos na residente ng Barangay Maligaya, Cabiao.

Base sa report ng PIO-NEPPO, bandang 5:30 ng hapon noong September 7, 2025 nang parahin ng mga elemento ng Cabiao Police Station ang minamanehong tricycle ng suspek dahil sa reckless driving.

Tumanggi umano ang suspek na ipakita ang kanyang lisensya at mga kaukulang dokumento, at sa halip ay pinagsabihan nito ng masasakit na salita ang mga opisyal na pulis.

Nang tangkaing patahimikin nina PSSg Arenas at Pat Tumibay ay sinuntok umano ng suspek si Tumibay.

Ipinagpatuloy pa raw nito ang pagmumura at pagbabanta sa mga pulis sa harap ng mga taong nandun.

Dahil dito ay inaresto ang suspek at inilagak sa kustodiya ng Cabiao Police Station.