Babala po, sensitibong balita po ito, nangangailangan po ng patnubay ng mga magulang lalo na sa mga batang manunood.

TRICYCLE DRIVER, NAGPAPAKITA UMANO NG ARI SA MGA ESTUDYANTE

Viral sa social media ang kwento ni Aileen Manuel, 21-anyos na estudyante, tungkol sa isang tricycle driver na umano’y nagpakita ng kanyang ari habang naglalaro nito na nakaharap sa kanya.

Ayon kay Aileen, noong Sabado, March 8, 2025, bandang alas-7 ng umaga, habang siya’y papunta sa kanilang practice, nadaanan niya ang isang rricycle na nakaparada sa gilid ng Old Capitol Building, Cabanatuan City malapit sa National Bureau of Investigation o NBI.

Maya-may, narinig niyang sumisitsit ang isang lalaki mula sa loob ng tricycle, at nang mapatingin siya ay nakita niya itong pinaglalaruan ang kanyang ari habang nakatingin sa kanya.

Sa takot, mabilis na tumakbo si Aileen palayo, iniisip na hahabulin siya ng lalaki, ngunit lumabas pa ang lalaki mula sa tricycle, kaya’t nagkaroon siya ng pagkakataon na kuhanan ito ng larawan.

Ipinost ni Ailenn ang larawan sa social media bilang babala sa mga kapwa niyang kababaihan at mga pasahero.

Ayon kay George Sagun, Building Administrator ng Old Capitol Compound, bagaman wala silang natanggap na pormal na reklamo, nakarating sa kanilang tanggapan ang insidente dahil sa social media, kaya naman kagyat silang nagmonitor sa lugar at nagbigay ng babala.

Dagdag pa ni Sagun, upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa compound ay nagpapatupad sila ng ng curfew mula alas nueve ng gabi hanggang alas singko ng umaga at isinara ang mga gate ng compound.

Samantala, nagsilitawan din sa comment section ng post ni Aileen ang iba pang mga biktima umano ng tricycle driver na nakaranas ng trauma at takot dulot ng insidente, habang may ilan ding nagbahagi ng kanilang katulad na karanasan na nangyari sa magkakaibang lugar.

Sa panayam kay Aileen, hindi lamang umano mga kababaihan ang naging biktima ng tricycle driver kundi maging mga lalaki, katunayan ay nakuha daw ng lalaki ang coding ng sasakyan na aalamin naman ng barangay kung saan siya nagreport at nagpablotter.