TULONG PINANSYAL NA KAHILINGAN NG BARANGAY MA. TERESA, CABANATUAN CITY AT BARANGAY IMELDA VALLEY, PALAYAN CITY, PINAGTIBAY NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Pinagtibay sa ginanap na 41st Regular session ng Sangguniang Panlalawigan noong November 26, 2024 ang kahilingan ni Governor Aurelio Matias Umali na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng Brgy. Ma. Teresa, Cabanatuan City at Brgy. Imelda Valley, Palayan City para sa pagkakaloob ng tulong pinansyal na ilalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Inaprubahan ang Php1,000,000 na financial assistance ng Brgy. Ma. Theresa, na dadalhin para sa pagsasaayos at pagpapagawa ng kanilang mga drainage canal.

Ayon kay Provincial Engineer Marlon Hernandez, isa sa mga problema ng naturang barangay ang madalas na pagbaha dahil sa mga sirang drainage canal kaya’t minabuti ng punong lalawigan na makipag-ugnayan sa nasabing barangay upang masolusyunan ang suliranin at makaiwas sa mga baha.

Samantala, sa Brgy. Imelda Valley, Palayan City, Nueva Ecija, pagpapagawa naman ng Farm-to-Market road na nagkakahalaga ng Php6,500,000 ang inaprubahan.

Ayon kay Barangay Captain Jocelyn A. Del Rosario, ang Farm-to-market road na proyekto ay makatutulong upang mas mapadali at mas maging maayos ang pagdadala ng mga magsasaka sa kanilang mga inaani patungo sa merkado.