“UNANG SIGAW PROJECT”: MAHIGIT 30 BANDA SA NUEVA ECIJA, NAGKAISA PARA SA ISANG MAKASAYSAYANG AWIT
Isang natatanging proyekto ang nabuo sa lalawigan ng Nueva Ecija kung saan mahigit 30 banda mula sa iba’t ibang bayan ang nagsanib-puwersa upang likhain ang isang awitin na sumasalamin sa kasaysayan at diwa ng “Unang Sigaw ng Nueva Ecija”.
Ibinahagi ni Christian Nava, tubong Santa Rosa at kinatawan ng nasabing proyekto, ang mga detalye sa likod ng “Unang Sigaw Project”, na isang kolaborasyon ng mga banda mula sa Cabanatuan, Santa Rosa, Muñoz, Gapan, at iba pang bahagi ng lalawigan.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na magsasama-sama ang halos 30 bands para sa isang kanta.
Ayon kay Nava, nagsimula ang ideya ng proyekto noong panahon ng pandemya, kung kailan kapansin-pansin ang kakulangan ng mga event para sa mga musikero.
Kasama niya sa pagbuo ng proyekto sina Trudis, Coco Nava, at Dave ng bandang Barrio, sa pagtutulungan nila, unti-unti nilang naorganisa ang mga miyembro mula sa iba’t ibang genre — rock, metal, reggae, at alternative. Maging ang mga musikero na dating nakabase sa ibang bansa ay muling bumalik upang makibahagi.
Hindi lang ang musika kundi maging ang lyrics ng kanta ay produkto ng kolektibong ideya ng mga miyembro, mahigit sampung katao ang tumulong sa pagsulat ng awitin.
Aniya, ang recording ay tumagal ng halos tatlong buwan, lalo na’t may mga miyembrong nasa abroad at kinailangang mag-record ng hiwalay gamit ang kani-kaniyang kagamitan. Tumulong sa produksyon ang kilalang Dr. Soundz Studio sa Nueva Ecija.
Samantala, ang music video ay 98% nang tapos. Gumamit sila ng green/black screen at specific lighting setups upang magmukhang iisa lang ang lokasyon kahit na ang mga miyembro ay nasa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay Nava, dalawang awitin ang ilulunsad sa ilalim ng proyekto: “Unang Sigaw” – awitin ng mga banda at “Sigaw Ecija” – bersyong hiphop.
Parehong ilalabas sa darating na Setyembre 4, kasabay ng paggunita sa makasaysayang Unang Sigaw ng Nueva Ecija. Ipopost ito sa YouTube at Facebook page ng Dr. Soundz Studio, at target din ng grupo na mailabas ito sa Spotify.
Bilang bahagi ng kanilang layunin, binabalak din ng grupo na muling buhayin ang Nueva Ecija Bands Organization (NEBO) upang maging tulay para sa mga baguhang banda na gustong magkaroon ng exposure. Layunin nilang magkaroon ng organized na portal para sa mga event, tugtugan, at pagsasanay.
Hinihikayat ni Nava ang lahat, lalo na ang kabataan, na abangan ang kanilang kanta at umaaasang sa pamamagitan ng kanilang awitin ay mas maunawaan at maappreciate ng mga kabataan ang kasaysayan ng lalawigan.
Bilang paalala sa kapwa musikero, ibinahagi rin niya ang kanyang prinsipyo sa tagumpay, na manatiling mapagkumbaba at huwag isiping mas magaling ka sa iba para sa tuloy-tuloy na paglago.

