“UNANG SIGAW PROJECT”, UMANI NG PAPURI MATAPOS ANG PAGKAKARELEASE

Umani ng mga papuri ang Unang Sigaw Project matapos itong opisyal na ilabas noong Setyembre 4, 2025, sa Facebook page ng Dr. Soundz Studios.

Mula kay Joey Dizon ng Pulp Magazine/Intolerant, sinabi niyang “probably one of the biggest and most ambitious projects this 2025.”

Hindi rin nagpahuli si Lean Ansing ng Slapshock/Chelsea Alley sa pagbati: “Congrats on the success of this Project!”

Maging ang international page na Emirates Loves Philippines ay kinilala ang awitin bilang “Filipino Song of the Week,” habang ang musikero at content creator na si Jayvee Cruz ng Thousand Angels ay nagsabing bawat eksena sa video ay nagdulot ng goosebumps.

Ayon sa project initiator na si Christian Nava mula sa bandang Ezra, isang malaking tagumpay na naabot ng kanta ang iba’t ibang music platforms at na-feature sa ilang malalaking pangalan sa industriya.

Para naman kay Virtus Lenon ng 2nd Sem, isa sa mga pangunahing composer, patunay ang mainit na pagtanggap na buhay pa rin ang local scene ng mga banda.

Dagdag pa niya, isang malaking bagay na kinilala sila ng mga batikang musikero.

Para sa mga lumahok, higit pa sa musika ang naabot ng proyekto—ito ay naging simbolo ng pagkakaisa ng buong probinsya.

Ang Unang Sigaw Project ay isang makasaysayang pagtutulungan ng higit 30 banda at halos 50 creatives mula sa iba’t ibang genre—rock, hip-hop, reggae, metal, indie, at spoken word.

Layunin nitong parangalan ang kasaysayan ng Nueva Ecija, partikular ang Cry of Nueva Ecija noong 1896 na pinangunahan nina Mariano Llanera at Pantaleon Valmonte.

Dahil sa mainit na pagtanggap, plano ngayon ng grupo na buuin muli ang Nueva Ecija Bands Organization at maglunsad ng mga susunod na proyekto at events upang lalo pang maipakita ang talento ng mga lokal na banda.