UNEMPLOYMENT RATE SA BANSA, BUMABA; MAHIGIT 50-M PILIPINO, MAY TRABAHO!
Ibinalita ng National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na tuluy-tuloy ang istratehiya ng gobyerno upang lumikha ng mas mataas na kalidad na oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino lalo na’t nananatiling matatag at nababanat ang labor market sa bansa, na pumapasok sa record-low unemployment rate noong June 2024.
Base sa report ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 3.1 percent ang unemployment rate sa bansa o may katumbas na 1.62 milyong Pilipino na walang trabaho noong Hunyo 2024. Ito ay mas mababa sa 4.1 percent o 2.11 milyong Pilipino na unemployed noong Mayo 2024 at 4.5 percent o 2.33 million noong Hunyo 2023.
Ang nasabing rate ay tumutugma sa record low na itinakda noong December 2023 na siyang pinakamababang unemployment rate sa halos dalawang dekada.
Samantla, bumuti naman ang employment rate sa bansa noong June 2024 na tumaas sa 96.9 percent at nakapagtala ng 50.28 milyong indibidwal na may trabaho. Ang naturang bilang ng trabaho ay mas mataas noong May 2024 na nasa 48.87 milyon at 48.84 million naman noong June 2023.
Nangunguna ang sektor ng serbisyo sa 58.7 porsyento ng kabuuang populasyon na may trabaho habang lumago rin sa sector ng konstruksiyon na may 938,000 indibiwal, at pagmamanupaktura na may bilang na 353,000.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa kabila ng mga tagumpay, kinikilala ng DOLE ang agaran at patuloy na pangangailangan upang matugunan ang underemployment o mga manggagawang hindi napapasuweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan, na tumaas ng 208,000 year-on-year, katumbas ng 12.1% underemployment rate sa buong bansa noong Hunyo 2024. Ang pagtaas na ito ay maaaring maiugnay sa seasonality ng pansamantalang mga trabaho.
Ang patuloy na pagpapabuti ng labor market ay makikita sa pagtaas ng bilang ng full-time, sahod at suweldo at middle-skilled na manggagawa.
Bukod dito, nagkaroon ng malaking pagbaba sa part-time na may 1.5 milyon at mahinang trabaho na may bilang na 521,000 kumpara noong 2023.

