UNIFIED 911 EMERGENCY HOTLINE, SISIMULANG IPATUPAD SA DARATING NA HULYO
Gagawin na umanong centralized o iisa ang gagamiting emergency hotline number sa buong Pilipinas para hindi malito ang publiko at maging mabilis ang pagresponde ng mga awtoridad sa anumang insidente.
Ito ang inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng isa na lamang na emergency hotline bukod sa pinaigting na police visibility.
Sa ngayon kasi ay mayroong iba-ibang emergency hotlines sa bawat lugar. Kaya sa pamamagitan nitong unified 911 response system, inaasahan na magkakaroon ng mas epektibong pagtugon sa mga insidente at mapatataas ang antas ng kaligtasan ng publiko.
Magsisimula umano ang unang bahagi ng pagpapatupad ng unified 911 emergency response system sa buwan ng Hulyo sa Ilocos Region, National Capital Region (NCR), Central Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bago ito palawakin sa iba pang rehiyon kada buwan.
May kakayahan umano itong gumamit ng geolocation, live streaming, at integrasyon ng pulisya, bumbero, at paramedic, at ang mga emergency responder ay magkakaroon ng body-worn camera, radyo, at medical support.

