Biglaang Operasyon ng Special Forces sa Caracas

US VENEZUELA ATTACK: Isang biglaang operasyon ng special forces at dinakip si Venezuelan Presidente Nicolás Maduro at ang kanyang asawa na si Cilia Flores.

Sinalakay ng US forces ang tirahan ni Maduro sa Caracas, kung saan na naputol ang kuryente sa lungsod bilang bahagi ng operasyon.

Dinakip si Maduro ng Delta Force matapos umanong may tumulong na source mula sa loob ng gobyerno ng Venezuela.

Mahigit 150 aircraft umano ang ginamit, at walang namatay na sundalong Amerikano at kaunti lang ang sugatan.

Air Strike sa Limang Lokasyon

Samantala, kinumpirma ng Venezuela na may mga air strike sa limang lugar na La Carlota, Fuerte Tiuna, Port La Guaira, Higuerote Airport, at Antenas El Volcán.

Sinabi ng Defense Minister na si Vladimir Padrino na may namatay na mga sundalo at sibilyan, ngunit sa kasalukuyan ay wala pang inilabas na opisyal na bilang.

Dinala ang mag-asawa sa US at ikinulong sa Metropolitan Detention Center sa Brooklyn, New York City.

Ayon kay US Attorney General Pam Bondi, kinasuhan si Maduro at Flores ng conspiracy to commit narco-terrorism, pag-import ng cocaine, at illegal possession of machine guns at destructive devices.

Ayon sa 25-page indictment ng US prosecutors, inakusahan si Maduro at mga kaalyado na gumamit ng posisyon sa gobyerno para magpasok ng toneladang cocaine papuntang US at makipag-ugnayan sa mga grupong itinuturing na terrorist organizations, kabilang ang FARC, Sinaloa cartel, Zetas, at Tren de Aragua.

Mga Kaso at Paglipat ng Kapangyarihan

Matapos ang pagdakip, nanumpa bilang interim president si Delcy Rodríguez.

Ayon sa pahayag ni US President Donald Trump, pansamantalang papatakbuhin ng US ang Venezuela hanggang sa magkaroon ng maayos at ligtas na transition of power.

Sinabi rin ni Trump na papasok ang US oil companies para ayusin ang imprastraktura at magmina ng langis, at “mare-reimburse” ang ginastos ng US.

Tinuligsa ito ng Venezuela bilang tangkang agawin ang kanilang yaman, lalo na ang langis.

May pinakamalaking proven oil reserves ang Venezuela, ngunit ito ay heavy, sour oil na mas mahirap i-refine.

Si Maduro ay humalili noong 2013 kay dating pangulong Hugo Chávez.

Matagal na ang tensyon niya at ni Trump dahil sa migration at drug trafficking, ngunit itinanggi ni Maduro ang mga paratang at sinabing ginagamit lang ng US ang “war on drugs” para pabagsakin siya.

ESTADOS UNIDOS, INATAKE ANG VENEZUELA AT DINAKIP SI PRESIDENT NICOLÁS MADURO
US VENEZUELA ATTACK: ESTADOS UNIDOS, INATAKE ANG VENEZUELA AT DINAKIP SI PRESIDENT NICOLÁS MADURO