Posible umanong manguna ang Pilipinas sa pag-import ng bigas sa buong mundo hanggang sa 2025 ayon sa United States Department of Agriculture.

Sa datos na inilabas ng USDA sa monthly global grains report nito ngayong Mayo, inaasahang tataas ang rice imports ng bansa sa mga susunod na taon hanggang sa 4.2 milyong metriko tonelada.

Sinabi sa report ng USDA na bunga ito ng patuloy na pagtaas ng consumption ng bigas ng Pilipinas pero bumaba naman ang produksyon sa unang tatlong buwan ng 2024.

Ngayong taon, inaasahang aangkat ng bigas ang Pilipinas ng 4.1 milyong tonelada pero mas tataas pa umano ito sa susunod na taon.

Kung matutupad ang projection, ito na ang ikatlong magkakasunod na taon na mag-iimport ang bansa ng pinakamaraming bigas sa pandaigdigang merkado.

Nakaapekto sa local production ng bansa ang matinding tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon kaya dumami ang binibiling bigas sa Vietnam.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumaba ng 2% ang produksyon ng palay sa unang quarter ng taon dahil sa tagtuyot.

Ang paglaki ng consumption ng Pilipinas sa bigas ay bunga umano ng paglobo ng populasyon at pagsirit ng mga dayuhang turista base sa report ng USDA.

Sa pinakahuling datos ay nasa 109.03 mil­yon na ang populasyon noong Mayo 2020, at mahigit dalawang milyong dayuhang turista ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Abril 2024.