VEGETABLE ORCHESTRA, BANDANG SUMIKAT DAHIL SA NATATANGING TUNOG NG MGA INSTRUMENTONG GAWA SA GULAY
Isang banda sa Vienna, Austria, na binubuo ng labing isang musikero, ang literal na tumutugtog gamit ang iba’t ibang gulay sa loob ng dalawampu’t pitong taon.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, bitbit ng mga miyembro ng Vegetable Orchestra ang kanilang mga sariwang gulay sa entablado para sa makasaysayang paglikha ng bago at sariwang tunog.
Ang kanilang musika ay nagbigay-daan sa 344 na matagumpay na konsiyerto gamit ang mga instrumentong gulay.
Dahil sa kanilang natatanging konsepto, kinilala sila ng Guinness World Records bilang orkestrang may pinakamaraming konsiyerto gamit ang mga instrumentong gulay.
Naniniwala ang grupo na kaya nilang makagawa ng tunog na hindi kayang likhain ng ibang instrumento, na kung minsan ay parang tunog ng mga hayop, minsan naman ay abstract sound.
Masasabi umanong ang natatagong tunog ng mga gulay ay nabibigyang-buhay at naipakikita sa kanilang mga pagtatanghal.
Inilarawan nila ang kanilang musika bilang ‘vegetable-style’ na hindi lamang para sa kasiyahan kundi upang maipakita na ang musika ay maaaring magmula sa kahit saan, maging sa supermarket o palengke.
Bagaman hindi na matukoy kung sino ang orihinal na may ideya noong Pebrero 1998, ang lahat ng miyembro ng banda ay may likas na hilig sa musika na galing sa iba’t ibang genre tulad ng electronic, rock, punk, at classical.
Sa inspirasyon ng mga artist tulad nina Aphex Twin at John Cage, patuloy nilang ginagalugad ang mga posibilidad ng tunog mula sa gulay at bumubuo ng mga bagong instrumento.
Ilan sa kanilang mga tanyag na instrumento ay ang: Carrot recorder (tinutugtog na parang plauta), Cucumberphone (pipino na ginagamit tulad ng saxophone), Percussive eggplant (mga talong bilang tambol), Leek violin (leek o dahon ng sibuyas na ginagawang biyolin).
Bumibili sila ng sariwang gulay sa mismong araw ng kanilang konsiyerto, kaya’t kitang-kita ng mga manunuod kung paano nagbabago ang tunog ng mga instrumento habang natutuyo o nababasag sa ilalim ng ilaw ng entablado.
Dahil madaling masira ang mga instrumentong gulay, mayroon silang chef na nagluluto ng sopas gamit ang mga hindi nagamit na bahagi ng gulay, na ipinamamahagi nila sa mga manonood pagkatapos ng kanilang pagtatanghal.

