VICE GOVERNOR LEMON UMALI, PORMAL NANG PINANGUNAHAN ANG UNANG SESYON NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA
Pormal nang pinangunahan ni Vice Governor Raymond “Lemon” Umali ang inaugural session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija para sa bagong termino ng panunungkulan noong Hulyo 1, 2025.
Kaakibat ng pagbubukas ng sesyon ang opisyal na pag-apruba at adoption ng Internal Rules and Procedures ng Sangguniang Panlalawigan para sa taong 2025–2028, na magsisilbing gabay sa lahat ng mga susunod na deliberasyon at desisyon ng konseho.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Governor Umali ang layunin ng administrasyon ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, na aniya’y hindi para sa pansariling kapakinabangan, kundi para sa kabutihan at kapakanan ng bawat Novo Ecijano.
Hinihikayat niya ang mga kapwa miyembro ng sanggunian na magkaisang kumilos at magtulungan upang mapatupad ang mga programang tunay na makikinabang ang mamamayan.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang mga bagong halal na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, kung saan tiniyak nila ang kanilang pagtutok sa mga makabuluhang panukala at buong pusong pagsuporta sa mga adbokasiya at programa ng pamahalaang panlalawigan.
Bago nito, sa ginanap na Panunumpa sa Katungkulan ng mga halal na opisyal, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Vice Governor Lemon Umali sa tiwalang ibinigay sa kanya ng sambayanan.
Ibinahagi rin niya ang kanyang personal na kwento bilang isang tahimik na tagamasid ng pamahalaan simula pa noong 2001.
Ipinahayag din niya ang kanyang paghanga sa kanyang kapatid na si dating Vice Governor Anthony Umali, na tinawag niyang “huwaran, tapat, at may pusong lingkod-bayan.”
Sa 811,763 na boto na kanyang nakamit sa nakaraang halalan, inamin ni Vice Governor Umali na dama niya ang bigat ng responsibilidad, ngunit tiniyak sa publiko ang kanyang taos-pusong paninilbihan.
Nagpupuri rin siya sa Panginoon sa pagbibigay ng pagkakataong makapaglingkod, at taos-pusong nagpasalamat sa lahat ng Novo Ecijano na nagtiwala at bumoto para sa kanya.

