VICE MAYOR NERIVI MARTINEZ, MAGSASAMPA UMANO NG KASO KONTRA SA ALEGASYONG FLYING VOTERS SA TALAVERA

Nagkainitan sa Facebook ang magkabilang kampo ng tumakbong alkalde sa Talavera, Nueva Ecija, matapos akusahan ang kasalukuyang Vice Mayor na si Nerivi Martinez—na tumakbo rin bilang alkalde—ng umano’y pagkakasangkot sa insidente ng flying voters sa Tropical Garden Resort noong araw ng halalan.

Ang paratang ay isinapubliko sa live video ni Raquel Agapito, dating Board Member ng 3rd District ng Nueva Ecija noong 2007 at kasalukuyang Chief of Staff ni Aries Gaboy Lim, ang nanalong alkalde mula sa Grupong Pwersa ng Pagasa.

Ayon kay Agapito, may mga van na pabalik-balik sa resort na sakay umano ang mga hindi rehistradong botante. Idinawit din niya ang pangalan ni Cesar “Jojith” Bernardo, sekretarya ni Martinez, na umano’y nasa lugar ng insidente.

Agad itong sinagot ni Bernardo sa sariling Facebook Live, kung saan ipinakita niyang siya ay nasa munisipyo ng Talavera noong mga oras na iyon. Mariin niyang itinanggi ang paratang at sinabing walang katotohanan ang mga akusasyong ibinabato laban sa kanila.

Sa isang hiwalay na Facebook post, iginiit ni Martinez na nanatiling mahinahon at tahimik ang kanilang grupo sa kabila ng patuloy na batikos sa kanila.

Dagdag niya, hindi ito ang uri ng kampanyang kanilang isinusulong, at panahon na upang manindigan at panagutin ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon